(Nov. 11, 2011 - In lieu of Ondoy, this is an attempt to write in fluent Filipino)
Naalala ko ang isang maulang araw noong 1 taong gulang pa lang ako ay nakaupo ako sa hita ng aking Yaya at nakasakay sa aming puting Lancer. Kami ay pauwi na noon sa aming bahay ngunit nagulat na lang ako dahil pagsilip ko, umaapaw na ang tubig sa kalsada. Tuwang tuwa pa ako kasi pakiramdam ko nasa beach ako.
Pagkatapos ay tinuro ko sa aking yaya at sabi ko, “Ya, haba haba! Haba haba!”
At simula nun ay tinawag kong haba haba ang baha.
Akala ko noong bata ako ay masarap lumusob sa haba haba dahil parang beach lang pero libreng bayad. Tapos, kapag malakas ang ulan ay nasususpende ang mga klase kaya tuwang tuwa talaga ako at tsaka mas masaya pang maglaro habang umuulan. Kaya gustong gusto ko ang bagyo (oo, pasensya na, hindi ako masyadong nagmamalasakit sa ibang nadadamay sa bagsik ng mga bagyo). Noon iyon. Noon.
Nagbago ang lahat ng aking mga pananaw pag-tapak ko nga kolehiyo, alam ko na kung gaano ka-letse ang mga malakas na bagyo – ang tindi ng trapiko, nawawalan ng signal, napuputol ang linya ng telepono at internet, nawawalan ng kuryente at higit sa lahat, bumahaba-haba.
Ay sandali, ayusin na nga natin. Bumabaha.
Isa sa mga hindi kong malilimutan na araw ay ang ika-26 ng Setyembre ng taong 2009. Kahapon, naranasan ng buong Metro Manila ang bagsik ng bagyong Ondoy. Wala itong pinili at pinalampas – mayaman man o mahirap ay nagdusa sa kanyang kalupitan.
Isa na lamang ako sa mga nakaranas ng pagdurusang ito.
Nagmadali akong pumunta sa unibersidad ng 6:25 impunto para sa aming ROTC, bagamat umuulan na ng malakas at may naririnig-rinig na ako sa mga tao na may dadagsa daw na bagyo. Hindi man kami pinag-ensayo sa field, ay pagod na pagod naman kami sa pagaaral ng mga iba’t ibang military commands. Nairita pa nga kami dahil napilitan pa kaming mabasa sa ulan (oo, malakas na noon) dahil palipat-lipat kami ng building.
Nagmadali akong pumunta sa unibersidad ng 6:25 impunto para sa aming ROTC, bagamat umuulan na ng malakas at may naririnig-rinig na ako sa mga tao na may dadagsa daw na bagyo. Hindi man kami pinag-ensayo sa field, ay pagod na pagod naman kami sa pagaaral ng mga iba’t ibang military commands. Nairita pa nga kami dahil napilitan pa kaming mabasa sa ulan (oo, malakas na noon) dahil palipat-lipat kami ng building.
Tapos, pinagbawalan pa kaming mag-elevator kaya wala kaming ibang paraan kundi tumakbo ng hagdanan papuntang 6th floor. Binigyan nga kami ng oras para magpahinga pero wala ring kwenta dahil hindi na naming kayang bumaba sa Razon building dahil malakas ang ulan at malayo pa ang kainan. Tiniis na lang naming ang gutom at pagod namin. Inisip na lang naming na makakauwi na kami ng alas-dose.
Noong natapos na ang aming pageensayo, dumaan pa kami sa supplier ng uniform para magpasukat dahil sabi ng mga opisyal ay kailangan na naming ng uniform as soon as possible. Nagtagal pa kami ng mahigit 30 minutes dahil mahaba ang pila. Pagkuha ko ng aking cellphone, nalaman kong bagyo nga talaga.
Hindi namin inakalang lalakas ng matindi ang ulan kaya paglabas naming sa building ay unti-unti ng humahaba ay este bumabaha sa loob at lalo na sa labas ng campus. Nagmamadali na kaming lumabas ng kaibigan kong si Lui.
Dahil hindi natuloy ang fellowship party sa GC, sabi ng nanay ko sumabay na lang ako kay Lui since nakatira lang naman siya sa Makati at si Mama ay nastranded din dun, doon na lang daw ako sunduin sa bahay ni Lui. Susunduin na dapat siya ng tatay niya pero pataas na ng pataas ang baha kaya nastranded din siya malapit sa Harrison Plaza. Pinilit naming mag-lakas loob at sinubukang magcommute papunta doon ngunit hindi talaga kami makalabas ng La Salle. Mahal ang presyo ng pedicab at hanggang hita na ang tubig sa Taft.
Kapag tatawid lang ng building, kelangan mo pang tumungtong sa mga cemented benches at monoblocks at mga kahoy para makarating sa paroroonan kaya adventure talaga. Pareho na rin kaming pagod kaya wala na kaming lakas para magpursige pa kaya sumuko kami at nagdesisyon na hintayin na lang bumaba ang baha at tumila ang ulan. Kumain kami sa Animo Food Haus bagamat pareho kaming hindi nagdala ng sapat na pera para sa sitwasyon namin.
Naisipan ko namang magpasundo na rin para sigurado baka mamaya ay hindi talaga makarating ang sundo niya subalit nastranded din ang driver ko kaya hinintay na lang namin ang tatay ni Lui.
Ang masaklap pa noon, paunti na ng paunti ang baterya ng cellphone naming kaya naghanap kami ng charger. Pumunta kami sa may Accounting Office at nakita naming na halos andun lahat ng mga nastranded. Nagtanung-tanong kami at wala raw talaga silang charger. Kaya naghintay na lang kami dun, nagpahinga at nagdarasal na rin.
Pagkatapos ng ilang oras, umaabot na ang baha sa ground floor ng LS building kaya pinaakyat na kami sa may chapel. Hindi ko akalain na magiging isang refugee rin pala ako. Nagtataka lang ako, ‘bakit kami lang ni Lui ang natira at nastranded sa blockmates namin?’ Hindi na talaga namin alam ang gagawin namin kaya naghintay lang kami sa wala.
Palakas lang ng palakas ang ulan. Pataas ng pataas ang tubig.
Hindi rin pala kami pwedeng magLRT sa oras na iyon dahil sinara nila kaya hindi rin kami makapagcommute. Ayaw rin kami palabasin ng mga taga-La Salle dahil delekado daw. May mga man holes sa tapat ng LRT station kaya wala rin daw talagang silbi. At isa pa, wala kaming pera. Kung magbubus naman kami, hindi naming parehong alam kung saan bababa. Ang taxi ayaw mamasada dahil malulugi sila at wala na rin kaming nakikitang jeep. Magaalas-singko na at dun na lang kami naghintay – naghihintay sa wala.
Naiiyak na kami pareho ni Lui dahil gusto na talaga naming umuwi. Maliban sa pagod, gutom at pangangamba, nahohomesick na rin kami. Pakiramdam namin hindi na talaga kami makakauwi pero sa tulong rin ng mga highschool friends ni Lui, nagkayayaan kami na labanan ang baha. Hindi na rin kasi kayang sumabak ng tatay ni Lui sa may Vito Cruz dahil chest-deep level ang baha. Tsaka biglang binuksan ng LRT at MRT ang mga stasyon nila 24 hours ng sa gayon ay makauwi na ang mga nastranded.
Kaya kahit gaano na kami kadungis at kalansa, determinado na talaga kaming umalis. Wala na kaming pakialam kung hanggang beywang ang tubig, basta makauwi na lang. Apat kaming magkakasamang umalis, at lahat sila ay mga sosyalera kaya hirap akong makisama dahil magcocommute kami. Nagaalala ako baka dukutan sila ng hindi oras. Nakaalis kami ng La Salle ng alas-otso. Nilusob namin ang baha at sabi ko na lang imagine natin na parang nasa beach tayo.
Mahirap kombinsehin sila dahil mga sosyalera nga. Si Lui naiyak dahil nandidiri siya sa mga nakikita niyang nakalutang. Hindi ko na nga lang sinabi na may nakita akong dagang malaki na lumulutang at iba't ibang insekto para hindi na sila magfreakout pero ako mismo takot na takot na rin. Pero tinuloy namin ang paglangoy papuntang LRT station.
Dahil wala nga kaming pera ni Lui, nagbayad yung isang kaibigan ni Lui na ang pangalan ay Maika sa LRT at MRT. Dali-dali kaming nagcommute at bumaba sa Ayala Station. Duon natapos ang adventure ko.
Sinundo ako ng nanay ko dun at napaiyak dahil sa sobrang pagod at sa hirap na dinanas ko noong araw na yun. Oo, traumatic talaga. Hindi rin pala kami makauwi na mag-ina dahil baha sa may Bicutan kaya natulog kami sa condo ng Tito ko sa The Fort. Hindi ko talaga akaling magagawa ko ang lahat ng iyon. Salamat sa Diyos dahil ligtas ako at ang mga pamilya't kaibigan ko. Thankful na ako dahil at least hindi masyadong malala ang nangyari sa akin kumpara sa iba.
Ayon sa balita, umaabot sa 73 na mamamayan ang namatay at 70,000 na pamilya ang nasawi. Si Ondoy na siguro ang pinakamabigat at pinakamabagsik na bagyo sa nakalipas na apat na dekada kaya naman nagdeklara ang Pangulong Arroyo ng state of calamity sa Metro Manila at sa 25 probinsya sa Luzon.
Bagamat may mga rescue teams na at mga NGOs na sumasagip sa mga nasawi at hindi na masyadong umuulan at wala ng baha, hindi pa rin malilimutan ng buong sambayanan ang dinanas natin sa bagyong ito. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos dahil pinatunay niya na wala Siyang katulad at wala ng iba ang makakapantay sa kanyang paghari at sa kanyang pagmamahal. Siya ay in control sa lahat ng nangyari at mangyayari; maganda man o hindi, ang alam ko lang ay Siya pa rin ang Diyos at maghahari siya magpakailanpaman.
Talagang kahit baha-baha na ang buong Maynila, haba-haba pa rin ng walang kumpas na pagmamahal ng Panginoon. Purihin siya!
Talagang kahit baha-baha na ang buong Maynila, haba-haba pa rin ng walang kumpas na pagmamahal ng Panginoon. Purihin siya!